Thursday, November 10, 2005

Hummmnn.. Haayy..

BASTA'T KASAMA KITA
DingDong Avanzado

Sa t'wing tayo'y magkakalayo
Hindi matahimik ang puso ko
Bawat sandali hanap kita
Di mapakali hanggang muling kapiling ka

Dahil kung ika'y makita na
Labis-labis ang tuwang nadarama
Magisnan lamang ang kislap ng 'yong mata
Kahit ano pa ay kakayanin ko na

CHORUS
Basta't kasama kita
lahat magagawa
Lahat ay maiaalay sa'yo
Basta't kasama kita
walang kailangan pa
Wala nang hahanapin pa
Basta't kasama kita

Giliw sana ay ikaw na nga
Ang siyang mananatiling kasama ko
Dahil kung ika'y mawawala
Pati lahat sa buhay ko'y maglalaho

REPEAT CHORUS 2X
Walang kailangan pa
Wala nang hahanapin pa

Basta't kasama kita

Wednesday, November 02, 2005

Love Triangle

I don't know where i got this, just found it from my archives.. kaaliw so i posted it. Kung sino man ang gumawa nito o kung saan man ito nanggaling, humihingi ako ng permiso. i do not claim ownership to this.. :)

“Jayson, si Vicky ‘yun ‘di ba?”
Halos malaglag ako sa kinauupuan ko nang marinig ko ang sinabi niya. Si Vicky nga ba?
“Asan?”
Hayun, naglalakad sa labas. Papalapit na nga dito eh, tumatawid na sa pedestrian lane. Teka, parang iba. Wala na ‘yung buhok niyang hanggang baywang. Boy-cut na. Ayan na, ayan na! Sabay isinubsob ko ang sarili ko sa kinakain kong french fries. Baka makita niya ako. Huwag ngayon. Huwag muna ngayon.
“O pare, bakit ka nagtatago diyan?”
“Sh*t ka, Jake…”
Teka, bakit nga ba ako nagpapakatangang nagtatago rito?
Si Vicky ang first girlfriend ko. Antagal din namin, halos apat na taon. Hanggang ngayon, ‘di ko pa rin maintindihan kung bakit ko ba naisipang pumayag na makipag-break. ‘Di ko rin inaasahan ‘yun. Parang nabasa niya ang utak ko nang tanungin niya ako kung napapagod na ba ako sa ganun. Palagi na lang kasi kaming nagtatalo, madalas puro kababawan pa. Parang ‘di niya naiintindihan. Tapos parang bata pa kung tumakbo ang utak niya. Sabagay, tatlong taon din naman ang itinanda ko sa kanya. Antigas ng ulo. Nakakairita.
Ngayon, dalawang buwan na kaming hindi nag-uusap. Walang tawagan o text man lang. Ewan ko ba, parang nagpapatigasan kami. Eh anong sasabihin ko? ‘Di ko rin alam eh. ‘Di ko alam kung paano ko sasabihing mahal ko pa rin siya.
Paano? Masyado siyang mabilis. Tingnan mo nga o, dinaanan lang kami dito.
Napatitig ako sa kawalan ng ilang minuto bago ko ibinaon ang mukha ko sa aking mga palad.
“Sh*t, Jake…”
Naramdaman kong pinisil niya ang braso ko. “Kaya mo ‘yan, pare,” ang pabiro niyang sabi.
Kaya ko ‘to.

******
Ang init naman! Sa McDo kaya ako maglunch. Para aircon. Hehe.
Ow sh*t, si Jake ‘yun ah? At mas lalong sh*t. Kasama niya si Jayson. Paano na ba ‘to, masyadong obvious kung babalik pa ako, eh nakatawid na ako. Dederetso na nga lang ako. Pasimple na lang, kunwari ‘di ko sila nakita. Basta, huwag ngayon. Huwag muna ngayon.
Teka, bakit nga ba ako nagpapakahirap na umiwas sa kanya?
Si Jayson ang unang boyfriend ko. Matagal din kami. Naging masaya naman ako sa kanya, kasi pakiramdam ko alagang-alaga talaga ako sa kanya. Ah basta, masaya lahat. Nakakalungkot nga lang na humantong kami sa ganito.
Ewan ko ba, pero napansin ko na lang na parang nagbago na siya. Parang ‘di na siya katulad ng dati na palaging siya ang umaamo sa akin kapag nag-aaway kami. ‘Yung huli nga, nasigawan pa niya ako. Sa mga sinabi niya, ang labas, para akong pasanin sa kanya na mahirap dalhin.
‘Di ko alam kung anong pumasok sa kukote ko at tinanong ko pa siya kung ayaw na niya. Basta, para kasing kahit anong gawin namin eh ‘di na talaga kami nagkakasundo. Kaya binigay ko na lang sa kanya ‘yun.
Alam ko ‘yun, ‘di naman ako manhid. Pinakawalan ko siya.
Kung sa akin lang, ‘di ko naman talaga gusto ‘yun. Pero alam kong ‘yun ang kailangan niya. ‘Yun din ang gusto niya. Kaya sige, kunwari unaffected na lang ako. ‘Di naman ako patatalo nang ganun-ganun lang ‘no. ‘Di ako nagpakita ng luha. Pinakita kong gusto ko rin ‘yun para hindi na siya mahirapan. Sa akin na lang ‘yun.
Ngayon, halos dalawang buwan na kaming ‘di nag-uusap. Walang pansinan. Eh ano pa bang sasabihin ko? Ayoko namang kainin lahat ng sinabi ko sa kanya. Ubos na ang panahon ko para gawin pa ‘yun, kumbaga sa computer game eh game over na ako. Na walang continue o try again.
Anong sasabihin ko, na mahal ko pa rin siya? Nye. Gudlak na lang sa akin kung tatamaan pa siya dun. Tingnan mo nga, parang wala na talaga siyang paki. May bago kaya siyang GF? Ewan, eh mukha na kasi siyang masaya eh. Hahayaan ko na lang siya.
Dito na nga lang ako dadaan. Teka, sige na nga, maitext nga si Jake. Mangungumusta lang. Hala sige, pindot.
Message sent.

******
“Jayson, si Vicky ‘yun ‘di ba?”
Waw. Kakaiba. Anong nangyari sa buhok nun?! Naubos ah. Parang mas mahaba na ngayon ang buhok ko sa kanya. Pero okey naman, bagay pa rin naman. Maganda pa rin siya.
“O pare, bakit ka nagtatago diyan?”
“Sh*t ka, Jake…”
Mas sh*t ka.
Akala mo ‘di ko alam kung gaano mo siya nasaktan? Jackpot ka na sa kanya eh, tapos pinakawalan mo pa. Oo, ‘di ko alam ang buong kwento ninyo, alam kong ang mga sinasabi niya sa akin ay ang mga bagay lang na gusto niyang sabihin para ang kalabasan ay hindi lang ikaw ang nasa mali. Inamin niya ang mga bagay na ‘di niya ginawa o dapat ay ginawa niya para sa’yo. Pero ang alam ko, sinaktan mo siya.
Bakit ba kasi ayaw mo siyang kausapin? Konting lunok lang naman sa pride ang kailangan mo eh. ‘Di ba sabi mo sa akin, mahal mo pa rin siya?
Teka, bakit nga ba ako nagagalit sa iyo?
Simple lang naman. Dahil kaya mong itapon nang basta-basta ang pagmamahal na kailanman ay alam kong ‘di ko makukuha.
Nagmamahal din ako. Pero pinilit kong itago, dahil alam kong walang babalik sa akin. Kasi, andiyan ka.
Nung Sabado lang nang nagpasama siya sa akin para lumabas, pinalutang ng alak ang pinakatatago ko. Ang tinangka kong nakawing halik ay kusa niyang ibinigay.
Akala ko nun ayun na, pero “sorry” daw. Sori, lasing na rin yata ako eh. Sori, mali. Sori, ‘di ko dapat ginawa ‘yun. Anak ng p*cha! Ikaw pa rin ang iniisip niya. Ikaw pa rin ang mahal niya. Ano ba naman ang laban ko sa’yo? Ano ba naman ang binatbat ko sa apat na taon ninyo?
Toot, toot. Toot, toot.
Si Vicky.
hi… nakita ko kayo sa mcdo.Ü
so, musta? eh si jays, musta nmn?Ü
“Sh*t, Jake…”
‘Di ko alam ang sasabihin ko sa iyo. Mabuti na rin sigurong huwag ko na munang ipaalam sa iyo na hanggang ngayon ay kinukumusta ka niya palagi sa akin. Sorry pare, kaibigan kita, pero ‘di ko talaga alam kung anong sasabihin ko sa iyo ngayon.
“Kaya mo ‘yan, pare,” ang pabiro kong sabi.
Ako rin, kaya ko ‘to.