Thursday, June 09, 2005

Ang Misteryo ng Komodo Dragon

Natatandaan mo pa ba nung nag-text ka sa akin at tinanong ako kung gusto kong mag-kape? Sabi ko oo, kaya pagkatapos ng trabaho, agad tayong dumiretso sa di kalayuang Starbucks..

Hindi naman kalamigan ang gabi pero sa hindi maipaliwanag na dahilan, parang nagyeyelo ako. Dahil sa kaba siguro. Ngayon lang nangyari to simula nung magkakilala tayo..

Lagi tayong sabay kumain sa canteen. Ang kakatwa pa, mas nag-e-enjoy tayong maglunch sa 15-minute breaks. Naalala ko tuloy, ang hilig hilig mo sa gulay. Ang hilig mo pang mang-agaw. Kulang na lang ubusin mo ang baon ko.

Kapag lunch time na, nagkukwentuhan lang tayo. Kapag tapos na ang lunch, nagkukwentuhan pa rin. Kahit oras na ng trabaho. Walang pakialam hanggang sa mapagalitan na tayo..

Hawak ko na ang Decaf Komodo Dragon Blend na binili mo para sa akin pero nanginginig pa rin ako sa lamig. Nagngangalit ang mga ngipin ko.

Malapit sa pasilyo ang pinili mong puwesto. Hindi masyadong maliwanag, pero pakiramdam ko, nakikita ako ng lahat ng tao. Nararamdaman ko ang mga tingin nila.. parang naririnig ko pa nga ang mga salitang binibigkas nila. Pero higit sa lahat, hindi ako mapakali dahil sa presensya mo.. at sa mga titig mo. Lalo akong nanlalamig.

Mga ilang minuto din na nakaupo lang tayo. Hindi ko mainom ang mainit na kape habang panay ang higop mo sa Ethiopia Sidamo. Hindi ka ata napapaso.

Hindi kagaya ng dati, hindi ko alam ang sasabihin ko. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat nating pag-usapan. Hinihintay ko na lang na ikaw ang magsimula. Ikaw naman ang nag-aya. Ikaw naman ang mas madaldal.

Hangang sa hindi na ako mapakali. Hindi ka pa rin nagsasalita. Parang gusto kong sabihin na kulitin mo naman ako. Gaya ng lagi mong ginagawa. Katulad kani-kanina lang. Bago mo ako ti-next habang magkatabi lang naman halos tayo. Pero walang salitang lumabas sa bibig ko. Pakiramdam ko tuloy ay pipi ako.

Hanggang sa nagsalita ka sa wakas. Tinanong mo kung ano ang gusto kong gawin bago umuwi. Bakit naman pag-uwi kaagad ang iniisip mo?

Katahimikan.
Katahimikan.

"Magkwento ka muna. Ayoko pang umuwi.."

Humigop ka na naman ng kape. Ginaya tuloy kita.

"Hwag na. ibahin naman natin ngayon. Masaya din pala kapag tahimik ang paligid. Anong gusto mong gawin bago umuwi?"

Huh? Bakit ba pag-uwi talaga ang nasa isip mo? at bakit masaya ka? Bakit ako hindi? Bakit parang nagluluksa ang loob ko? Bakit parang maiiyak na ako?

Nangilid na ang luha ko.. tumulo sa Decaf Komodo Dragon Blend ko. Noon ka lumipat sa tabi ko upang yakapin ako..

Mainit ang mga yakap mo pero nanlalamig pa rin ako. Sa wakas ay sinabi ko, "Ito lang naman ang gusto ko. Isang hug lang galing sa 'yo..bago ka umalis.."

Hindi ko na naubos ang Komodo kong me kahalo nang luha. Umiyak lang ako ng umiyak. Said and Sidamo mo.

Nang umuwi tayo, halos maga na ang mga mata ko. Ihahatid mo sana ako pero sabi ko, sa sakayan na lang. Baka lalo lang kita ma-miss..

Hindi ka na nagpakita. Hindi ka na rin nag-text. Hindi ka na nagparamdam pang muli simula nang gabing yun..Hindi tuloy kita napasalamatan.

Salamat sa Decaf Komodo Dragon Blend..


2 Comments:

Blogger milbenski said...

_ _ _ _ _ _ is there a letter...

J?

:-D

Friday, June 10, 2005 11:42:00 AM  
Blogger js said...

uhhh... guessing game ba ito? :D

Friday, June 10, 2005 4:06:00 PM  

Post a Comment

<< Home